Dahil sa naganap na pananakop ng
mga dayuhan lalo na ng mga Espanyol noong ika-19 na dantaon, wala mang
mabilisang pagbabago ng mga panahong ito, namulat naman sa katotohanan at
nagising na ng tuluyan sa kani-kanilang mahimbing na pagtulog ang mga Pilipino.
Manapa’y isa na itong hudyat at sinyales na ang ‘ganap na pagbabago’ ay nasa
mga kamay ng bagong henerasyon—mga kabataan ng ika-21 na dantaon na siyang
mismong ang ating pambansang bayani na ang nakahinuha noong siya ay nabubuhay
pa. Hindi natin maikakaila ang mga salitang kanyang binitawan, “Ang Kabataan
ang pag-asa ng Bayan”. Tila isang bangungot para sa nakararaming Pilipino ang
mahigit kumulang 300 taon nang pang-aalila ng mga Espanyol. Marahil, ito ay sa
kadahilanang ang ating lahi ay napaka-alam sa konsepto ng ‘kalayaan’, sa
nakalipas na mga taon. Nananalaytay sa ating mga ugat at dugo ang
pagka-Pilipino na tayo lang ang nakaka-intindi. Mahigit isang dantaon na rin
noong sina Rizal, Bonifacio, Del Pilar at iba pang Pilipino ang kinilalang
pinuno at namuno sa mga kilusan at reporma para sa kalayaan laban sa kinilalang
Inang Espanya. Sila ay mga imahe na lamang ng pagkamagiting at mga modelo na
dapat (raw) tularan ng mga kabataan ngayon. Ngunit, sino, ano at paano ang
Pilipinas pagsapit ng 2114?
Sa pag-usbong ng teknolohiya
ngayon, ang mga Pilipinong kilala bilang masisipag ay natutong maging ‘tamad’.
Umaasa hindi sa sariling kakayahan ngunit dumedepende sa kapwa Pinoy na
dati-rati ay ating ipinagmamalaki dahil tayo lang ang may angking kalooban
nito. Aktibo man ang mga estudyante sa mga organisasyon ngunit mabibilang na
lamang sila. Kapansin-pansin na mangilan-ngilan na lang rin ang nakikisali sa
mga rally at munting pag-aalsa. Sa patuloy na paglaki ng ating populasyon,
napakabilis rin ng pagbaba at pagliit ng porsyento ng mga bomoboto. Sino ang
sinisisi? Walang iba kung hindi ang Gobyerno. Sino ang nagrereklamo? Tayong mga
Pilipino na kung tutuusin ay wala naman lubusang ‘totoong pakialam’, walang
ginagawang aksyon’ at ‘walang pakinabang’ sa mga pagkakataon na ito. Wala
tayong karapatan magreklamo kung alam natin mismo sa ating mga sarili na wala
tayong itinulong upang sanang baguhin
ang bulok na sistema at pamahalaan. Mukhang naglaho na nga ang kamalayan ng
Pilipino at hinukay na sa baong malalim ang pinanghahawakan nating sandata
laban sa mga Kastila—na isa tayong bansa na may ‘demokrasya’, ‘marunong
makipagsabayan’ at ‘hindi na paaalipin sa gapos ng kanilang panlilinlang at
kalabisan’. Datapwat, napakarami nang pinagbago ang Pilipinas simula noong tayo
ay nagdeklara ng ganap na kalayaan sa mga manggagamit na Kastila.
Masakit
man tanggapin, kitang-kita ang mga nakakalat sa bawat kalyeng iyong
madaraanan--ang mga squatters na walang permanenteng tirahan at kabuhayan,
walang panustos sa kani-kanilang pamilya kung hindi manlimos sa mga sasakyang
kanilang makikita. Araw-araw rin na problema sa mga kalsada ang traffic lalo na
sa mga ciudad. Hindi ba’t pahiwatig na ito na paubos na ang disiplina ng bawat
isa at walang kontrol sa daloy ng mga sasakyan? Sino ang nagkulang? Imbis na
magtuon sana tayo ng pansin sa problemang pang-edukasyon, pampamilya,
pangpamayanan at kung anu-ano pa ang posibleng solusyon para sa ikabubuti ng
lahat, naririyan pa ang problema sa mga basura na sanhi ng baha at mabilisang
pagtaas ng tubig sa ilang parte ng bansa. Kung kaya naman, napakaraming
ari-arian ang nawawala; maraming buhay ang nasasawi dahil sa simpleng kawalan
ng disiplina sa pagtatapon at sa kakulangan ng reserbang mga pit o dam na
konektado sa pondong nilalaan ukol dito. Napakatalino ng mga Pilipino pero
hindi na nagagamit sa pangkasalukuyang kaayusan kung hindi sa kaabusuhan at sa
pansariling kapakanan na lamang.
Wagas rin sa pagtaas ang presyo
ng mga bilihin katulad ng bigas, noodles at mga de latang ulam; mga gamit
pangligo; maging ang kuryente. Wala nang libreng tubig, pati na rin ang mga
kasuotan ay halos lahat may tatak na galing sa iba’t ibang bansa. Nasaan ang
pagmamahal sa sariling produkto? Nasaan ang tinatawag mong nasyonalismo? Nasaan
na ang pagkakaisa na binuo at pina-igting ng ating mga bayani? Tila nasayang
ang hirap, pagod at pawis na kanilang ginugol upang masiguro na tayong
nabubuhay sa henerasyon ngayon ay makaranas ng maginhawa at payapang buhay. Di
yata’y sa paglisan ng mga dayuhan sa ating kapuluan, waring ang sarili nating
bansa o kapwa lahi ang siyang ating nagiging kalaban—sa politikal, kultural,
ekonomikal at maging sa relihiyon na usapan.
Sa ilalim ng mapangahas na mga
politikong nakapwestong pinanggigilan ng masa at binabato ng mgapagkukulang
nila bilang mga pinuno ng mga bansa, hindi ko lubos maisip na napakabaluktot na
ng ating prinsipyo at paniniwala hinggil sa ekonomiya na dinaranas ng ating
bansa ngayon. Marapat na lamang na sa pangkaramihan ang bigyang pansin ng mga
nakaupong may kapangyarihan at may mga posisyon ngunit hindi tama na sa kanila
lahat ibinabaling ang kamalian—kung bakit walang progreso ang ekonomiya natin.
Binigyan natin sila ng pagkakataon na maging lider ng bansa, ipinagkaloob ang
karapatan na magdesisyon para sa bawat mamamayan kung kaya naman hiling nila
ang ating partisipasyon upang maging makabuluhan ang paunti-unting aksyon na
kanilang ginagawa.
Lahat tayo ay may layunin at
gampanin na dapat panagutan. Obligasyon rin natin bilang estudyante na mag aral
para sa magandang kinabukasan at makatulong sa ating pamilya. At kung anuman
ang kinatatayuan natin bilang miyembro ng ating lipunan—sa kumpanya ka man
nagtratrabaho, sa unibersidad nagtuturo, sa dagat tumutungo, sa bukid
nagtatanim, sa tahanan namamalagi o naghahanap-buhay sa ibang bansa. Lahat tayo
ay nagbibigay kontribusyon para sa ikauunlad ng ating bayan. Kaya nga lang,
hindi pa rin ito sapat para maibalik ang ekonomiyang naglagay sa atin sa mataas
na ranko sa Asya na lubusang nakilala sa pangkadaigdigang tala. Kung kaya naman
maging ang pondo sa edukasyon ng mga pampublikong paaralan at unibersidad ay
nadamay na rin. Hinaing ng mga mag-aaral ay ibalik ang pondong tinanggal dahil
karapatan naming mag-aral at sa paraang ito naniniwala kaming nasusuklian namin
ang ating bayan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti. Ang mga sahod ng mga
pampublikong empleyado ay bumaba rin kaya hindi natin sila masisisi kung
mawalan man sila ng ganang magtrabaho at paglingkuran ang taong-bayan.
Gayunpaman, ang pagtangkilik ng
milyong-milyong Pilipino sa mga produktong galing sa mga sikat na bansa ay
isang paraan ng biglaang pagbaba ng ating ekonomiya. Hindi na nakapagtataka
makaraan kahit isang dekada mula ngayon ay tuluyan na tayong dumepende sa mga
tatak na produkto ng Amerika, Tsina, Korea, Canada at mga kalapit bansa—ugat na
ang Pilipinas ay hindi kayang tumayo sa sarili nitong mga paa. Kailan tayo
matututo? Kapag may magtangka ulit angkinin ang ating bansa? Nang sa ganun,
bumalik ang ating takot na nadama ng mga Pilipinong nagdusa noon? O baka naman
kapag may magnais bombahin ang karatig sulok ng Inang Bayan? Ang ating mga
base-militar ay sadyang napakahina at napakadaling pasukin kumpara sa mga
bansang maituturing nating mahigpit na katunggali. Kailanman, maaring maraming
Pilipino ang mamatay dahil sa maluwag na seguridad nito at proteksyong wala sa
kasiguruhan.
Kaakibat nito, ang Pilipinas ay
nananatiling lugmok sa kahirapan ngunit hindi pa huli ang lahat. Umaasa ako at
ipinagpapalagay ko na pati rin kayo na sa pagdaan ng isang daan na taon,
kabaliktaran na ang mangyayari—ang mga bansa katulad ng Amerika, Singapore,
Middle East at maging ang Europa ang kusang lalapit sa ating bansa upang
humingi ng tulong at proteksyon. Napakasarap sa pakiramdam at imahinasyon na
isipin ang ganitong sitwasyon. Oo, hindi agad agad, padalos-dalos at hindi
madali dahil unang una sa lahat upang makamtan ito, kailangan nating unahin at
bigyan solusyon ang panloob-bansang problemang kinahaharap natin.
Pagtutulungan, pagkakaintindihan, hustisya at isang misyon ang nais nating
buuin sa bawat sulok ng Pilipinas nang sa ganun, muling tumatag ang pundasyon
at tiwala hindi lamang ng mga bansang may relasyon na handa pa ring
makipagpalitan sa atin ngunit higit sa lahat ay upang ibalik ang tiwala ng
bawat Pilipino sa isa’t isa. Layunin
nating iangat ang mga mahihirap, bigyan ng pantay na pakikitungo at itaas ang
estado ng bansa. Sabi nga sa kasabihan, “Ang hindi marunong lumingon sa kanyang
pinanggalingan ay hindi makararating sa kanyang paroroonan”. Kung tutuusin,
hindi lamang tayo lumingon sa ating pinanggalingan ngunit panandalian natin
itong binalikan. Panahon na upang humakbang paharap at ibilang ang nakaraan
bilang silbing aral at alaala na magtataguyod at magbibigay lakas sa bawat
Pinoy na patuloy nakikipaglaban sa agos ng trahedyang dumarating, nakikipagbaka
sa abot ng makakaya, at nakikipagkalakalan upang may maipakain sa pamilya.
Taong 2114, ipagdiriwang ang ika-100 na taon
para sa “Araw ng Manggawa” na nabigyan ng permanenteng trabaho. Kasabay nito
ang celebrasyon sa pantay-pantay na pakikitungo. Wala na ring korupsyon dahil
sa payapang paghawak at pamamalakad ng Department of Finance. Malugod na
napagkasunduan ng pamahalaan ang matiwasay na paghahati-hati ng nararapat na
gawain ng mga iba-ibang ahensyang napili na dapat ipagpatuloy ayon kay
Presidente Juan dela Cruz. Bukod sa pamamahala, tinutugunan at inumpisahan na
rin ang pagtatayo ng mga bagong hospital, home for the ages at maging ang mga
kilalang lugar sa ating bansa ay may matinding pagpapahalaga at alaga sa
kalikasan upang maka-akit pa ng mas maraming turista. Mahigpit ng ipinagbabawal
ang pagputol ng mga puno at pagtapon kung saan-saan. Sa kabutihang palad, lahat
ay masiglang sumusunod sa mga batas na itinatakda upang mapreserba ang gandang
angkin ng ating yaman at pinagkukunan ng pangunahing pangangailangan. Mas
nalilinang ang mga talento at angking galing ng mga Pinoy sa mga bagong pinagkaka-abalahan
at pinagkakakitaan na itinatag ng gobyerno. Wala ng batang nagugutom at
humihingi ng pagkain sa lansangan. Wala ka na ring madadaanang natutulog sa mga
hagdanan ng overpass o underpass. Nabawasan ang krimen at mangilan-ngilan na
lamang ang nakukulong. Wala na ring naibabalitang pagnanakaw sa harap ng media
kung hindi magagandang balita katulad ng pagsagip ng kapwa, pagkapanalo sa
iba’t ibang larangan ng mga Pinoy na nakikikompetensya sa labas ng bansa at pagbisita
ng matataas na pinuno ng ibang bansa patungo sa Pilipinas. Sa kabila ng
‘curfew’, naging maaliwalas pagmasdan ang kapaligiran, tahimik at walang takot
ka nang nakalalabas anumang oras. Nadadagdagan na rin ang mga kagamitang
pang-eskwela at binalik na ang mababang ‘tuition fee’ ng mga kolehiyong mag
aaral kung kaya’t wala ng ingay ang naririnig sa harap ng mga unibersidad.
Higit
sa lahat, ang separasyon ng state at simbahan ay matinding sinusunod; may
respeto sa bawat pinaniniwalaan, may pagkakasundo at walang pinapanigan. Natuto
nang mangilatis at mag-usisa ang bawat botante tuwing eleksyon kung sino ang
karapat-dapat sa posisyon. Nagsibalikan ang mga OFWs sa ating bansa sanhi ng
mas malaking sahod at para makasama ang pamilya. Lahat ng pangyayari sa
Malacanang ay ipinapakita sa masa na lugod sinusubaybayan ng bawat
Pilipino—bata man o may edad.