Monday, 24 March 2014

Ang Pilipinas, Isang Dantaon ang Makalipas (2014-2114)


                Dahil sa naganap na pananakop ng mga dayuhan lalo na ng mga Espanyol noong ika-19 na dantaon, wala mang mabilisang pagbabago ng mga panahong ito, namulat naman sa katotohanan at nagising na ng tuluyan sa kani-kanilang mahimbing na pagtulog ang mga Pilipino. Manapa’y isa na itong hudyat at sinyales na ang ‘ganap na pagbabago’ ay nasa mga kamay ng bagong henerasyon—mga kabataan ng ika-21 na dantaon na siyang mismong ang ating pambansang bayani na ang nakahinuha noong siya ay nabubuhay pa. Hindi natin maikakaila ang mga salitang kanyang binitawan, “Ang Kabataan ang pag-asa ng Bayan”. Tila isang bangungot para sa nakararaming Pilipino ang mahigit kumulang 300 taon nang pang-aalila ng mga Espanyol. Marahil, ito ay sa kadahilanang ang ating lahi ay napaka-alam sa konsepto ng ‘kalayaan’, sa nakalipas na mga taon. Nananalaytay sa ating mga ugat at dugo ang pagka-Pilipino na tayo lang ang nakaka-intindi. Mahigit isang dantaon na rin noong sina Rizal, Bonifacio, Del Pilar at iba pang Pilipino ang kinilalang pinuno at namuno sa mga kilusan at reporma para sa kalayaan laban sa kinilalang Inang Espanya. Sila ay mga imahe na lamang ng pagkamagiting at mga modelo na dapat (raw) tularan ng mga kabataan ngayon. Ngunit, sino, ano at paano ang Pilipinas pagsapit ng 2114?
                Sa pag-usbong ng teknolohiya ngayon, ang mga Pilipinong kilala bilang masisipag ay natutong maging ‘tamad’. Umaasa hindi sa sariling kakayahan ngunit dumedepende sa kapwa Pinoy na dati-rati ay ating ipinagmamalaki dahil tayo lang ang may angking kalooban nito. Aktibo man ang mga estudyante sa mga organisasyon ngunit mabibilang na lamang sila. Kapansin-pansin na mangilan-ngilan na lang rin ang nakikisali sa mga rally at munting pag-aalsa. Sa patuloy na paglaki ng ating populasyon, napakabilis rin ng pagbaba at pagliit ng porsyento ng mga bomoboto. Sino ang sinisisi? Walang iba kung hindi ang Gobyerno. Sino ang nagrereklamo? Tayong mga Pilipino na kung tutuusin ay wala naman lubusang ‘totoong pakialam’, walang ginagawang aksyon’ at ‘walang pakinabang’ sa mga pagkakataon na ito. Wala tayong karapatan magreklamo kung alam natin mismo sa ating mga sarili na wala tayong itinulong  upang sanang baguhin ang bulok na sistema at pamahalaan. Mukhang naglaho na nga ang kamalayan ng Pilipino at hinukay na sa baong malalim ang pinanghahawakan nating sandata laban sa mga Kastila—na isa tayong bansa na may ‘demokrasya’, ‘marunong makipagsabayan’ at ‘hindi na paaalipin sa gapos ng kanilang panlilinlang at kalabisan’. Datapwat, napakarami nang pinagbago ang Pilipinas simula noong tayo ay nagdeklara ng ganap na kalayaan sa mga manggagamit na Kastila.
Masakit man tanggapin, kitang-kita ang mga nakakalat sa bawat kalyeng iyong madaraanan--ang mga squatters na walang permanenteng tirahan at kabuhayan, walang panustos sa kani-kanilang pamilya kung hindi manlimos sa mga sasakyang kanilang makikita. Araw-araw rin na problema sa mga kalsada ang traffic lalo na sa mga ciudad. Hindi ba’t pahiwatig na ito na paubos na ang disiplina ng bawat isa at walang kontrol sa daloy ng mga sasakyan? Sino ang nagkulang? Imbis na magtuon sana tayo ng pansin sa problemang pang-edukasyon, pampamilya, pangpamayanan at kung anu-ano pa ang posibleng solusyon para sa ikabubuti ng lahat, naririyan pa ang problema sa mga basura na sanhi ng baha at mabilisang pagtaas ng tubig sa ilang parte ng bansa. Kung kaya naman, napakaraming ari-arian ang nawawala; maraming buhay ang nasasawi dahil sa simpleng kawalan ng disiplina sa pagtatapon at sa kakulangan ng reserbang mga pit o dam na konektado sa pondong nilalaan ukol dito. Napakatalino ng mga Pilipino pero hindi na nagagamit sa pangkasalukuyang kaayusan kung hindi sa kaabusuhan at sa pansariling kapakanan na lamang.
                Wagas rin sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin katulad ng bigas, noodles at mga de latang ulam; mga gamit pangligo; maging ang kuryente. Wala nang libreng tubig, pati na rin ang mga kasuotan ay halos lahat may tatak na galing sa iba’t ibang bansa. Nasaan ang pagmamahal sa sariling produkto? Nasaan ang tinatawag mong nasyonalismo? Nasaan na ang pagkakaisa na binuo at pina-igting ng ating mga bayani? Tila nasayang ang hirap, pagod at pawis na kanilang ginugol upang masiguro na tayong nabubuhay sa henerasyon ngayon ay makaranas ng maginhawa at payapang buhay. Di yata’y sa paglisan ng mga dayuhan sa ating kapuluan, waring ang sarili nating bansa o kapwa lahi ang siyang ating nagiging kalaban—sa politikal, kultural, ekonomikal at maging sa relihiyon na usapan.
                Sa ilalim ng mapangahas na mga politikong nakapwestong pinanggigilan ng masa at binabato ng mgapagkukulang nila bilang mga pinuno ng mga bansa, hindi ko lubos maisip na napakabaluktot na ng ating prinsipyo at paniniwala hinggil sa ekonomiya na dinaranas ng ating bansa ngayon. Marapat na lamang na sa pangkaramihan ang bigyang pansin ng mga nakaupong may kapangyarihan at may mga posisyon ngunit hindi tama na sa kanila lahat ibinabaling ang kamalian—kung bakit walang progreso ang ekonomiya natin. Binigyan natin sila ng pagkakataon na maging lider ng bansa, ipinagkaloob ang karapatan na magdesisyon para sa bawat mamamayan kung kaya naman hiling nila ang ating partisipasyon upang maging makabuluhan ang paunti-unting aksyon na kanilang ginagawa.
                Lahat tayo ay may layunin at gampanin na dapat panagutan. Obligasyon rin natin bilang estudyante na mag aral para sa magandang kinabukasan at makatulong sa ating pamilya. At kung anuman ang kinatatayuan natin bilang miyembro ng ating lipunan—sa kumpanya ka man nagtratrabaho, sa unibersidad nagtuturo, sa dagat tumutungo, sa bukid nagtatanim, sa tahanan namamalagi o naghahanap-buhay sa ibang bansa. Lahat tayo ay nagbibigay kontribusyon para sa ikauunlad ng ating bayan. Kaya nga lang, hindi pa rin ito sapat para maibalik ang ekonomiyang naglagay sa atin sa mataas na ranko sa Asya na lubusang nakilala sa pangkadaigdigang tala. Kung kaya naman maging ang pondo sa edukasyon ng mga pampublikong paaralan at unibersidad ay nadamay na rin. Hinaing ng mga mag-aaral ay ibalik ang pondong tinanggal dahil karapatan naming mag-aral at sa paraang ito naniniwala kaming nasusuklian namin ang ating bayan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti. Ang mga sahod ng mga pampublikong empleyado ay bumaba rin kaya hindi natin sila masisisi kung mawalan man sila ng ganang magtrabaho at paglingkuran ang taong-bayan.
                Gayunpaman, ang pagtangkilik ng milyong-milyong Pilipino sa mga produktong galing sa mga sikat na bansa ay isang paraan ng biglaang pagbaba ng ating ekonomiya. Hindi na nakapagtataka makaraan kahit isang dekada mula ngayon ay tuluyan na tayong dumepende sa mga tatak na produkto ng Amerika, Tsina, Korea, Canada at mga kalapit bansa—ugat na ang Pilipinas ay hindi kayang tumayo sa sarili nitong mga paa. Kailan tayo matututo? Kapag may magtangka ulit angkinin ang ating bansa? Nang sa ganun, bumalik ang ating takot na nadama ng mga Pilipinong nagdusa noon? O baka naman kapag may magnais bombahin ang karatig sulok ng Inang Bayan? Ang ating mga base-militar ay sadyang napakahina at napakadaling pasukin kumpara sa mga bansang maituturing nating mahigpit na katunggali. Kailanman, maaring maraming Pilipino ang mamatay dahil sa maluwag na seguridad nito at proteksyong wala sa kasiguruhan.
                Kaakibat nito, ang Pilipinas ay nananatiling lugmok sa kahirapan ngunit hindi pa huli ang lahat. Umaasa ako at ipinagpapalagay ko na pati rin kayo na sa pagdaan ng isang daan na taon, kabaliktaran na ang mangyayari—ang mga bansa katulad ng Amerika, Singapore, Middle East at maging ang Europa ang kusang lalapit sa ating bansa upang humingi ng tulong at proteksyon. Napakasarap sa pakiramdam at imahinasyon na isipin ang ganitong sitwasyon. Oo, hindi agad agad, padalos-dalos at hindi madali dahil unang una sa lahat upang makamtan ito, kailangan nating unahin at bigyan solusyon ang panloob-bansang problemang kinahaharap natin. Pagtutulungan, pagkakaintindihan, hustisya at isang misyon ang nais nating buuin sa bawat sulok ng Pilipinas nang sa ganun, muling tumatag ang pundasyon at tiwala hindi lamang ng mga bansang may relasyon na handa pa ring makipagpalitan sa atin ngunit higit sa lahat ay upang ibalik ang tiwala ng bawat Pilipino sa isa’t isa.  Layunin nating iangat ang mga mahihirap, bigyan ng pantay na pakikitungo at itaas ang estado ng bansa. Sabi nga sa kasabihan, “Ang hindi marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan ay hindi makararating sa kanyang paroroonan”. Kung tutuusin, hindi lamang tayo lumingon sa ating pinanggalingan ngunit panandalian natin itong binalikan. Panahon na upang humakbang paharap at ibilang ang nakaraan bilang silbing aral at alaala na magtataguyod at magbibigay lakas sa bawat Pinoy na patuloy nakikipaglaban sa agos ng trahedyang dumarating, nakikipagbaka sa abot ng makakaya, at nakikipagkalakalan upang may maipakain sa pamilya.
                 Taong 2114, ipagdiriwang ang ika-100 na taon para sa “Araw ng Manggawa” na nabigyan ng permanenteng trabaho. Kasabay nito ang celebrasyon sa pantay-pantay na pakikitungo. Wala na ring korupsyon dahil sa payapang paghawak at pamamalakad ng Department of Finance. Malugod na napagkasunduan ng pamahalaan ang matiwasay na paghahati-hati ng nararapat na gawain ng mga iba-ibang ahensyang napili na dapat ipagpatuloy ayon kay Presidente Juan dela Cruz. Bukod sa pamamahala, tinutugunan at inumpisahan na rin ang pagtatayo ng mga bagong hospital, home for the ages at maging ang mga kilalang lugar sa ating bansa ay may matinding pagpapahalaga at alaga sa kalikasan upang maka-akit pa ng mas maraming turista. Mahigpit ng ipinagbabawal ang pagputol ng mga puno at pagtapon kung saan-saan. Sa kabutihang palad, lahat ay masiglang sumusunod sa mga batas na itinatakda upang mapreserba ang gandang angkin ng ating yaman at pinagkukunan ng pangunahing pangangailangan. Mas nalilinang ang mga talento at angking galing ng mga Pinoy sa mga bagong pinagkaka-abalahan at pinagkakakitaan na itinatag ng gobyerno. Wala ng batang nagugutom at humihingi ng pagkain sa lansangan. Wala ka na ring madadaanang natutulog sa mga hagdanan ng overpass o underpass. Nabawasan ang krimen at mangilan-ngilan na lamang ang nakukulong. Wala na ring naibabalitang pagnanakaw sa harap ng media kung hindi magagandang balita katulad ng pagsagip ng kapwa, pagkapanalo sa iba’t ibang larangan ng mga Pinoy na nakikikompetensya sa labas ng bansa at pagbisita ng matataas na pinuno ng ibang bansa patungo sa Pilipinas. Sa kabila ng ‘curfew’, naging maaliwalas pagmasdan ang kapaligiran, tahimik at walang takot ka nang nakalalabas anumang oras. Nadadagdagan na rin ang mga kagamitang pang-eskwela at binalik na ang mababang ‘tuition fee’ ng mga kolehiyong mag aaral kung kaya’t wala ng ingay ang naririnig sa harap ng mga unibersidad.

Higit sa lahat, ang separasyon ng state at simbahan ay matinding sinusunod; may respeto sa bawat pinaniniwalaan, may pagkakasundo at walang pinapanigan. Natuto nang mangilatis at mag-usisa ang bawat botante tuwing eleksyon kung sino ang karapat-dapat sa posisyon. Nagsibalikan ang mga OFWs sa ating bansa sanhi ng mas malaking sahod at para makasama ang pamilya. Lahat ng pangyayari sa Malacanang ay ipinapakita sa masa na lugod sinusubaybayan ng bawat Pilipino—bata man o may edad.

No comments:

Post a Comment