Pinakamamahal
naming Rizal,
Isang malaking pribiliheyo na
makapagbigay sayo ng mensahe hinggil sa aking kuro-kuro at paniniwala. Bilang
kabataan at iskolar ng bayan, batid ko at sariwa pa sa aking isipan ang kataga
mong “Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan”, na siya namang naging lakas-loob at
inspirasyon ko sa kabila ng hirap hindi lamang sa pag-aaral ngunit sa
pakikibaka sa buhay. Wala akong karapatan na ipaalam sayo ang hinaing na ito
sapagkat sa aking pagbabalik-tanaw sa nangyari noong Ika-19 dantaon, ang
nakalipas na yaon ay puno ng kasakitan, pagmamalabis at pang-aalipin. Hindi ko
man nasilayan ang mga ito, nakita ko ang pagbabagong naidulot mo sa pagbangon
ng ating Inang Bayan at ang mithiing ‘kalayaan’ laban sa mapang-abusong
Espanya. Hindi ko sukat akalain na ito rin ang nagbunsad sa akin bilang
Pilipino na mas hangaan ka hindi bilang pambansang bayani ngunit bilang
Pilipino na nagsumikap at nanindigan sa iyong prinsipyo na hinulma ng lipunan,
ng iyong pamilya, pamamalagi sa Europa at lalong lalo na sa pang-edukasyon na
aspeto.
Huwaran ka, makata at nakilala sa
loob at labas ng bansa. Isang mag-aaral na bagama’t nahirapan nung simula ay
nagpatuloy magsumikap maging dalubhasa. Pinakita mo na bagama’t
nagpapakadalubhasa ka sa medisina ay hindi parin naialis sayo ang pagiging
makabayan. Isa kang imahe ng tunay na Pilipino na hindi naghangad ng himagsikan
o gumamit ng dahas para sa kapayapaan ng bayan. Nahimok ang mga kapwa-literado
bagamat nakaranas ng paninira sa ibang kapwa-pilipino. Karamihan sa amin ay mga estudyante, ang naniniwalang
ikaw Rizal ang nagsilbi para mamulat ang mga
Pilipino sa
mga maling hakbangin ng mga mananakop at naging daan para malaman ng sambayanan
ang maling pamamalakad nito. Ipinakita
mo rin na higit sa lahat ng bagay, ay ang makapagsilbi sa iyong bayang
hinirang. Ang malaki mong
ambag sa bayan ang nagbigay dito ng tunay na kalayaan.
Minsang bumaling sa aking isipan, kung may eleksyon
at pamumunong maari kang gampanan upang wari’y mas maipakita ang pagnanais na baguhin
ang bulok na sistema, kakandidato ka kayang pangulo? Mas palalawakin mo kaya
ang koneksyong meron ka? O pipiliin mong pag-ibayuhin ang ‘pagkakaisa’? Sa
pagpasok ng bagong henerasyon, kapansin-pansin ang tatak at impluwensiyang
iniwan mo. Sa pamamagitan ng iyong buhay, natuto kami ng mga bagay na kailanman
ay hindi maituturo ng agham, matematika o literatura. Ang iyong naiwang
pangaral ang aking pundasyon upang makatulong sa mga problemang kinakaharap ng
kasalukuyan. Hindi ko man matatapatan ang iyong nagawa para sa ating bayan,
alam kong may kaya akong gawin sa aking sariling pamamaraan.
Ikaw ang nagbukas sa isip ng bawat kabataan upang
magkaroon ng layuning maabot hindi lamang ang mga simple at pang sariling
pangarap kundi pati na rin ang mga pangarap na nauukol sa ikauunlad ng bansa.
Nakatulong ka sa amin sa pagkakaroon ng kamalayang huwag tumigil sa kung
anumang mayroon kami at linangin pa kung anumang larangan aming kinalalagyan.
Isa pa, ang pagbukas mo sa mas malalim na pagtingin sa estado ng ating bansa,
hindi lamang sa panlabas nitong kaanyuan tulad ng katayuan ng ekonomiya kundi
pati na rin sa kaisipan ng tao ukol sa bansa. Ang maselan mong pagtingin sa mga
kamalayang ito ang nagturo samin na ang pag-aaral at pakikibaka ay mahalaga.
Panahon ay
lumipas, pangalan mo ay di kumupas. Sa iyong pagkamatay, itinuring kang
‘panginoon’ ng ilan, idolo at naging “pamantayan” ng totoong BAYANI. Sinamba at
pinuri ng maraming taon at bagamat magpahanggang ngayon, hindi lingid sa aking
kaalaman na nararapat mong makamtan yaong mga paggawa subalit ‘labis-labis’ ,
‘hindi tugma’ at ‘baldado’ na sa aking henerasyon. Nais na naming tumigil sa
paglingon sa nakaraan ng may utang na loob sayo dahil naniniwala ako na panahon
na nang pag-usbong ng mga bagong bayani na mamamatnubay sa pagsulong para sa
kompiyansa ng ating kinabukasan.
Nagmamahal,
Arguelles,
Menneth Ann
Bautista,
Lorie Mae F.
De
Los Reyes, Romnick
Galang,
Avi Nelisse
Marquez,
Jerome
No comments:
Post a Comment